Friday, November 7, 2014

Bakit Kailangan mong Matutong Makipag-network sa ibang Tao?

Bakit nga ba kailangan natin gawin ito bilang parte ng ating pag-nenegosyo?

Hindi ba maaaring mag-antay na lang tayo ng mga taong lalapit sa atin?  "Kung iisipin kasi maganda naman ang produkto ko, kaya hindi malayong magugustuhan ng mga customer ang mga ito."  at maaring ito ay sumagi sa ating isipan.

Kung papansinin natin ang ating pagnenegosyo ay maaring lumago o bumagsak.  Kung ito man ay lalago, dahil sa mas dumadami ang iyong mga customers at dumarami din ang puhunan at mga produkto na iyong idinadagdag.  Sa paglawak ng iyong negosyo, mas lalong kinakailang mong magdag-dag ng mga bibili at magdadala sa iyo ng ibang klaseng negosyo.

Pero sa tingin ko, kahit na ikaw ay maliit na sari-sari o isang kumpanya, parehas kailangan ang lumawak ang mga taong kilala.

Sa pamamagitan ng pagnenetwork sa ibat ibang tao, nilalagay mo ang iyong negosyo sa pagkakataong mas marami ang makakakita nito.

Isipin mong ganito. Sa isang kamag-anak mo na gumagamit ng iyong mga produktong ibinebenta, at nagustuhan niya ito,  Di ba mas maganda kung siya mismo ay makapagtawag din ng mga taong kakilala nya para makita at magamit ang iyong produkto?

Hindi man natin napapansin, pero ganito ang nangyayari talaga sa isang negosyo; may taong nakakaalam ng iyong negosyo na kanyang ipinakikilala o ipapakita sa kanyang mga malapit na kakilala.

Ito ay isang napakagandang pamamaraan kung mas magagamit mo ng may pagkakaayos.  Yung hindi mo na ginagawang patsamba-tsamba ang pagnenetwork at paghahanap ng tao na gagamit ng iyong produkto, kundi magkakaron ka ng sistema para sa pag-hahanap ng iyong magiging customer.

Hindi ba napakaganda ng ganito ay iyong magamit para sa iyong negosyo.

Sa panahon ngayong boom ang information at maraming makikita na sa internet kung paano gawin ang ganitong pamamaraan, may isang libro na nangingibabaw sa lahat.  Ito ang libro ni Bob Burg.

Naniniwala siya na:

"Kung mamarapatin na ang lahat ng bagay ay pantay-pantay, ang mga tao ay makikipag-negosyo at makakapag-turo sa mga ito, ay kung ito ay ang mga taong kilala, gusto at pinagkakatiwalaan nila."
("All things being equal, people will do business with, and refer business to, those people they know like and trust.")

Sinasabi niya na kailangang may mabuong pagkakakilanlan, pagka-gusto at pagtitiwala upang ang ibang tao ay makipag-negosyo sa iyo.

Marami pang itinuturo si Bob Burg na talagang praktikal na magagamit kaagad para sa ikabubuti ng ating negosyo.

Sa ibaba makikita mo ang libro niya.  Nung makuha ko ito, mas nakita ko kung paano ko gagawin ang aking negosyo, at paano ko ipapakita sa tao ang aking serbisyo.

Sana bigyan mo ng pagkakataon na basahin ang kanyang libro, Siguradong malaki ang maitutulong nito sa iyong negosyo.


BOB BURG'S ENDLESS REFFERALS



Kailangan Natin Magkaroon ng mga Anak na Negosyante

Naalala ba natin noon na laging sinasabi sa atin ng ating mga magulang ang salitang "Anak mag-aral ng mabuti para kapag nakatapos ka na ng kolehiyo -- makakakuha ka ng magandang trabaho sa isang magandang kumpanya"  Hindi ba ito ang palagian nating naririnig magmula ng tumungtong tayo sa kolehiyo?

Pwede kaya na iba ang mangyari?
Na ang naririnig natin ay "anak mag-ipon ng pera, at palagiang humanap ng pagkakataon na ikaw ay kikita, at siguradong pagkatapos mo ng kolehiyo, kakayanin mo nang magsimula ng iyong sariling negosyo, o kumpanya"

Hindi ba't napakagandang pakinggan?

Ganito kaya ang gawin natin para sa ating mga anak.  Tulungan kaya natin silang makaipon ng magiging puhunan nila.  At tulungan na rin natin sila na magsimula ng kanilang negosyo.

Sa tingin ko sa ganitong pananaw sa buhay mas mapapaganda natin ang pamumuhay ng ating mga anak at ng kanilang mga magiging mga anak pa.

At mismong tayo rin ay matututo na makagawa pa ng mas makakabuting paraan para sa ating negosyo.

May iba naman sa atin na hindi pa naman nag-nenegosyo, at maaaring isipin na "anung maituturo ko kung ako mismo ay gusto ring matuto sa negosyo?"  Aba edi mas lalong maganda, dahil hindi lang ikaw ang matututo, pati na ang iyong mga anak.

Isipin mo na ang pagnenegosyo ay isang anak mo rin.  Aalagaan mo ito hanggang sa lumaki.  Matututo kang gumapang, mag-aral, makinig, makisalamuha, mag-obserba, mag-saayos ng iyong kaperahan, gumastos ng tama, malugi, mag-isip, magsilbi sa mga di mo kakilalang tao, at marami pang iba na makakatulong sa paghubog sa iyong pagiging isang negosyante.

Napakaganda kung ang kinabukasan ng iyong mga anak ay maisasaayos mo.  Dahil nag-simula kang matuto na mag-negosyo at naisama mo ang iyong pamilya.

May isa akong nakitang video na gusto ko sanang mapanood mo.  Ang nagsalita d2 ay naniniwalang maganda ang kinabukasan ng ating mga anak kung sila ay tuturuan nating maging Entrepreneurs.

Sana ay magustuhan ninyo.

Cameron Herold: Let's raise kids to be entrepreneurs



Ang Kakayahan ng Isang Negosyante na Tumulong


Isang bagay na napakagandang gawain ng isang Negosyante ay ang patuloy niyang pag-susumikap na makatulong sa mga taong kanyang nasasakupan.  Naniniwala siya na ang kanyang pinag-dadaanan sa buhay ay may kinalaman para sa pagtulong nya sa hinaharap.

Bilang isang negosyante, nakita ko na mas may malaking naibabalik sa akin nang ilang doble kapag ako ay nakakatulong.  Naniniwala ako na sa pagtulong o pag-resolba ng mga problema ng mga kliyente ko ay isang bagay na napakaimportante.  Oo nga ako ay nagnenegosyo para kumita, pero sa tuwing may naidadagdag akong value para sa kanila, mas nagiging bihasa ako sa aking pagnenegosyo.

Sa pagtulong, nakikita ko na mas may magandang potential na makabuo pa ng mga bagong paraan.  Ang negosyante mula pa noong panahon ay ang mga tao na nagdadala ng mga nakakamanghang pamamamaraan, o teknolohiya, dahil laging nasa harapan nila ang walang katapusang pag-subok ng buhay--maging para sa kanila o sa ibang tao.

Iyan ang kakayahan ng isang negosyante at ang kanyang potential na mas makatulong sa mas nangangailangan.

Gusto kong i-share ang video na ito na gawa ng INTEL.  Napapaloob dito ang kakayahan ng isang negosyante at ang kanyang potential para tumulong.

Kung iyong nagustuhan mo ang video na ito, i-share mo rin sa iba na maaring ma-inspire na maging EntrePinoy ding katulad mo.

THE POWER OF ENTREPRENEURS


Friday, October 4, 2013

Anu ang Aking Gagawin Kung Kinakapos na Ako sa mga Bayarin?

Kapag kinakapos na sa bayarin, dalawang bagay lang ang iniisip nating gawin:
1.  Magdagdag ng Mapagkikitaan
2.  Magbawas ng gagastusin

Sa dalawang nabanggit, naayon din dito ang nabanggit ni +Robert Kiyosaki na Budget for Surplus, at Budget for Deficit.  magkatugma ang unang nabanggit (1&2) sa huli.


Ang mainam na gawin ay Budget for Surplus. at Magdagdag ng Mapagkikitaan.  Sisimulan mo ito sa pagsasaayos ng prioridad ng pagkakagastusan. Heto ang pagkakasunod ayon sa prioridad:


Budget for Surplus

   1.  Ikapu
   2.  Savings
   3.  Capital o Puhunan
   4.  Taxes
   5.  Mortgage
   6.  Living Expenses
   7.  Utilities

Sa pagkakataon ito, dahil huli ang iyong Utilities, maaring kakapusin ka na sa pambayad mo sa:
   1.  Kuryente
   2.  Tubig
   3.  Cable TV
   4.  Telepono
   5.  Cellphone
   6.  Internet



Pero, hindi ito dahilan para matakot.  Kung gagawan mo ng paraan na madagdagan ang kabuuang kinikita, at uunahing bayaran ang Ikapu, Savings, Capital, ito ang maaaring mangyari sa iyo:
   1.  May maiipon ka para sa mas importanteng pagkakagastusan:
        (a)  panggastos kung sakaling ikaw ay mawawalan ng trabaho (6months savings).
        (b)  pang-puhunan para sa negosyong makapagdadagdag ng pagkakakitaan.
   2.  Mas mahahasa ka sa larangan ng paghawak ng kaperahan
        (a)  dahil ikaw ay sasabak sa negosyo, mas gumagaling ang iyong paraan para kumita
        (b)  kahit na ikaw ay hindi kumita sa unang pagkakataon, mas magiging matalino ka sa 
               susunod.
   3.  Lalawak ang iyong pagiging maparaan
        (a)  makikita mong hindi husto ung laging nakadepende lamang sa iyong suweldo na 
               limitado.
        (b)  dahil may paraan ka na, mas magagawa mong palakihin pa ang iyong kinikita sa 
               abot ng iyong makakaya o gustong mangyari.
        (c)  sa kalaunan, mas lalong palago ng palago ang iyong pagkakakitaan, dahil padagdag 
              ng padagdag ang iyong kaalaman para mas maging magaling na negosyante.

Magdagdag ng Mapagkikitaan

Ngayong naisaayos mo na ang iyong prioridad ng pagkakagastusan, ikaw naman ngaun ay handa ng magdagdag ng Mapagkikitaan.

Dahil sa iyo ng napagtanto na mas mabigat ang kapakanan ng pag-Budget for Surplus, maaari ka ng magipon para sa Savings at Capital.

At sa panahong may puhunan ka na at nakaipon na ng savings, hindi tatagal ang 6 na buwan o isang taon, maari ka ng mag-resign sa trabaho.  At sa pagresign mo, hinding hindi mo na babalikan ang mabuhay ng nakadepende sa suweldo na laging limitado, at nag-aantay ng di mapunang pagkakagastusan.

Thursday, October 3, 2013

Anu-Ano ang dapat Paglalaanan ng Pagkakagastusan

Minsan, hindi natin mapigilan ang ating sarili na gumastos ng gumastos.

Sa tuwing umiikli ang araw bago dumating ang suweldo, siya namang pag-haba ng listahan ng ating mga pagkakagastusan.

Dahil sa sobra ang ginagastos, lagi na lang tayo nagkakaron ng pagkukulang sa pinansiyal.

Tulad mo, ako rin ay dumaan sa ganitong sitwasyon. Nagbigay ako ng budget, pero di ko rin nasunod; at parang pakiramdam ko na kahit masunod ko man ay kulang pa rin.

Pero nakahanap ako ng solusyon!

Nabasa ko ang libro ni +Robert Kiyosaki, sinabi niya na dapat kong tingnan sa ibang angulo ang konsepto ng pagbuo ng budget.

Dalawang bagay daw ang pagbuo ng budget:
     1.  Budget Deficit
     2.  Budget Surplus

Karaniwang ginagawa natin ay Budget Deficit. Pero ang nararapat na gawin ay ang Budget Surplus!

Ang Budget Deficit daw ay laging nagdadala sa ating na kailangang gumastos sa mga bagay na maaring hindi naman natin kailangan.  At nagtutulak sa atin na magtipid para sa sarili.  

Sabi ni Robert, hindi naman dapat tayo ay magtipid para sa sarili, bagkus dapat nating gawing unahin nating bigyan ang ating sarili, o pay  yourself first, aniya.

Budget Surplus
At sinabi niyang ganito ang pagkakasunod na pag-importante ng pagkakagastusan

   1.  Ikapu
   2.  Savings
   3.  Capital o Puhunan
   4.  Taxes
   5.  Mortgage
   6.  Living Expenses
   7.  Utilities

Budget Deficit
Sa kadalasan, ginagawa natin ay ganito
   1.  Taxes
   2.  Utilities
   3.  Mortgages
   4.  Living Expenses
   5.  Savings
   6.  Capital o Puhunan
   7.  Ikapu

At sa maraming pagkakataon, hindi na umaabot ang ating suweldo sa huling tatlo.

Dapat daw nating isaayos ang ating prioridad na tulad ng sa itaas (Budget Surplus; Pay yourself First!)

Kapag ganito ang ating ginawa, siguradong mas madadagdagan ang iyong pera, sobra pa sa iyong pagkakagastusan.

Ngunit, ang ibig sabihin ng "Pay yourself first" ay hindi ibig sabihin bumili na kaagad ng mga bagay na sa tingin mo ay gusto mo.  Ang unang tatlo:  Ikapu, Savings, Capital, ay mismong mga bagay na magagamit mo ng tunay para makapaglaan ng ipangbibili mo ng kagustuhan mo paglaon.

|Ano ang ibig kong sabihin dito.

Ang Capital o Puhunan.
1.  Kapag nakaipon ka ng puhunan, maari kang makabuo ng negosyo na makapagdadagdag ng iyong kinikita o Cash on Hand.
2.  Kapag mataas na ang iyong kinikita sa iyong nabuong negosyo, maari mo nang bilhin ang mga bagay na gustong gusto mo.

Ang Savings
1.  Kapag nakaipon ka ng Savings, may magagamit kang pang-gastos sa kalamidad, pang-ospital, pang-gamot, at higit sa lahat gastusin kung ikaw man ay mawalan ng trabaho.
2.  Kung maiipon mo ang 6 na buwang gastusin, kakayanin mong mabuhay ng 6 na buwan habang ikaw ay naghahanap ng bagong pagtatrabahuan.
3.  Kung ikaw ay nagnenegosyo na, ang anim na buwan mo ay maari mong gamitin na Back up kung sakaling hindi ka pa kumikita sa iyong negosyo.

Ang Ikapu
1.  Ito ay ayon lamang sa paniniwalang ang Diyos ang ating kasama sa lahat ng aspeto ng ating buhay.  Ibig sabihin, siya ay ating Katuwang sa ating pinagkukuhaan ng ating pinagkakakitaan, maging sa trabaho o negosyo. 
2.  Ang ibig sabihin ng ikapu ay 10%,  pero maaaring ito ay mas higit pa, o naaayon sa iyong pananalig na ang iyong ibinibigay ay nararapat.

Ang konseptong Budget Surplus ay naglalayong magdadagan ang iyong kaperahan (Surplus, ibig sabihin Sobra sobra).  Hindi tulad ng Budget Deficit na naglalayong isakto lamang ang ating pinagkakakitaan sa pagkakagastusan.

Kung higit sa aking pagkakakitaan ay mapupunta sa Savings, Ikapu at Capital, Paano, naman kung kakapusin ka na sa mga bayarin sa Utilities?

Basahin mo ang aking blog na:  Anu ang Aking Gagawin Kung Kinakapos na Ako sa mga Bayarin?

Paano Magkapag-ipon ng Puhunan?

Parehas mo, ako ay naging isang empleyado din.  Pinag-isipan mo kung paano ka makaka-ipon ng pang-puhunan sa iyong naisip na negosyo.

Sinimulan ko ang aking pag-iipon sa ganitong paraan.  Sana magamit mo rin para ikaw ay makaipon ng iyong pang-puhunan.



Heto ang mga sumusunod na paraan:


1.  Bumili ng Alkansya, at simulang mag-impok dito ng parte ng iyong pinagkakitaan.



2.  Mula sa iyong pinagkakitaan, kumuha ng 5% hanggang 10% nito at ilagay sa iyong alkansya.

3.  Kung puno na ang iyong alkansya, maari mo na itong buksan.

4.  Kapag nabuksan mo na, magbukas ka ng ATM Account, tatawagin mo itong Capital Account.

5.  Upang masiguro na hinding hindi mo gagamitin ng hindi sa iyong layunin ang pera sa Capital Account, ipatago ang ATM sa isang kaibigan,

6.  Ang password ay para sa iyo lamang, ATM lang ang para sa iyong kaibigan.

7.  Magbigay ng kondisyones sa kaibigan kung kelan at papano mo lang pwede gamitin ito.

8.  Kapag naipon mo na ang iyong tinatayang puhunan, antayin muna na madagdagan pa ng 30% ng iyong puhunan ang Capital Account, bago mo kuhain ang iyong puhunan na inipon. ito ay para lamang may matitira pa sa iyong ATM.. Magagamit mo rin ule ito sa susunod na iyong pag-iipunan ng puhunan.

9.  Muling gumawa ng panibagong pagpupuhunanan.

10.  Ipagpatuloy ang ganitong gawain.


Sa iyong paninindigan na kailangan mong mag-impok, dapat ay maging matatag sa iyong layunin:  Na kailangan mong maka-ipon ng iyong pang-puhunan!  Sa tulong ng iyong kaibigan na humahawak ng iyong ATMs, mapipigilan mo ang iyong sarili na gamitin ito ng hindi sa tamang panahon.

Sana nakatulong ako sa iyong layunin.

Magplano para sa Sariling Pinansyal

Napag-isipan ko ng matagal kung anu-ano ang aking gagawin para ako ay maging EntrePinoy.  Pinagsikapan kong magbasa-basa ng mga libro, blogs, newspapers, ebooks, web articles at marami pang iba. 

Sa lahat lahat, may nagawa akong plano para sa akin.  Naniniwala rin ako na maari din itong magamit ng katulad mo na nais ding maging EntrePinoy.


Isinulat ko ito sa istilong nagbibigay ng instruksiyong sa isang tulad ko.  Kaya makikitang nakatuon din ng pagsasalita sa bumabasa.


Heto ang isinasaad ng aking pinaplano:



Pagsasaisangtabi ng Pinagkakitaan


1.  Magtalaga ng dalawang alkansya na may pangalan ang bawat isa (1) Savings (2) Capital.

2.  Mag impok ng parte ng iyong pera kada kinsenas para sa iyong Savings.

3.  Mag impok ng parte ng iyong pera kada kinsenas para sa Capital.

4.  Sa bawat suweldo na iyong makukuha maglagay ng 10% ng iyong kinita at itabi ito sa Saving at Capital (20% ang kabuuan).
     halimbawa sa isang kinsenas
  suweldo  P5,000  x  10 %   =    500  Savings
P5,000  x  10 %   =    500  Capital
P1,000 (20%)

6. Hindi kinakailangang 10 % kaagad ang iyong panimulang kukuhain sa iyong suweldo.  Pupuwede itong 3% hanggang 10%; sa ibang pagkakataon maaari namang higit sa 10% ang iyong ilalagay sa Savings o Capital.

Pag-iipon para sa Savings

1.  Gagamitin mo ito sa pagkakataon lamang na ikaw ay nawalan ng nang pinagkakakitaan

2.  Hahayaan mo lang ito nang hindi ginagastos kundi sa kundisyon lamang na wala ka ng paggagamitan para sa:
a) Pagkain kung wala na talagang mapagkukuhaan.
b) Panbili ng gamot o panghospital (kung talagang wala nang mapagkukuhaan 
           o wala ka ng pinagkakakitaan.

3.  Ito ang iyong kaperahan na huling huli sa lahat ng iyong mapagkukuhan.

4.  Kung gagamitin mo ang Savings, gumamit ng para lamang sa:
  (a)  Pampagamot, o pampahospital
     (b)  Pagkain sa pang-araw araw hanggat wala pang  pinagkakakitaan

5.  Kung sakali mang magagamit mo ang kaperahan sa Savings, siguraduhing may maititira kang 25% ng kabuuang naipon. gagamitin mo ito para sa panimulang kaperahan sa iyong Savings.

6.  Ang mabuting savings ay 3 hanggang 6 na buwang gastusin. sikapin na mapanatili ang ganitong kaperahan; kapag nagwa mo na napapanatili ang ganito, maari mo nang ipasa sa Capital ang dapat para dito.  Mas makabubuti ito dahil maaari mong madoble ang halaga kapag magagamit para sa puhunan sa negosyo.

7.  Kung sa tingin mo ay dapat mong ilagay na sa banko ang iyong naipon, gawin mong tig-isang banko o atm sa Savings at Capital. ang mga ito ay tatawagin mo na iyong Savings Account at Capital Account.


8.  Para iyong masigurong hindi-hindi mo magagalaw ang iyong mga ATM Accounts, gawin mo ang sumusunod:
  (a) alamin ang password ng dalawang accounts.
  (b) Humanap ng mapagkakatiwalaang kaibigan, huwag ang iyong asawa, at ipatago sa kanila ang mga ATMs. ngunit hindi mo ibibigay sa kanila ang password.
  (c) bigyan mo sila ng kundisyones sa kung kelan mo lang pwede kuhain sa kanila ang ATM. sa ganitong pagkakataon, hindi mo magagalaw ng wala sa panahon ang iyong perang iniipon.
  (d) ngaung hindi mo na ginagamit ang alkansya, sa tuwing ikaw ay mag-iimpok, sa mismong banko mo na itutuloy ang iyong dalawang 10% ng iyong suweldo.

Mga Mapagkakaperahan 
(ayon sa pagkakasunod ng pagkukuhaan)
(1) Negosyo 
(2) Trabaho 
(3) Utang 
(4) Bentahe 
(5) Sanglain 
(6) Savings


Pag-iipon para sa Capital


1.  Gagamitin mo ito para lamang sa pampuhunan.
  halimbawa:  buy and sell; cellphone loader; bigasan; atbp

2.  Bilangin ang naiimpok ayon sa tinatantiya mong pupuhunanin
  halimbawa:  Puhunan P7,500 para sa buy and sell.

3.  Siguraduhin na kapag hinati mo sa apat ang kaperahan dito ay ung ikatlong hati (75%) ay katumbas ng puhunan na iyong gagamitin. ang natitirang ikapat ng hati (25%) ay maiiwan muli para sa susunod na iyong pampupuhunanan.
  Halimbawa: P10,000     kabuuang naimpok
P 7,500 ikatlong hati    (75%) 
P 2,500 ikapat na hati (25%)

4.  Alamin muna bago mo gamitin ang puhunan kung may maibabalik ba sa iyo sa maagang panahon (Return on Investment). ito ba ay maibabalik sa loob ng isang buwan, dalawa o isang taon. tandaan mas mabilis maibalik, mas makabubuti.

5.  Tandaan ang Law of Compounding: kung sa bawat pagkakataon ay madodoble mo ang iyong kaperahan.
  Halimbawa:  1 - 2 - 4 - 8 - 16 - 32 - 64 - 128 - 256 -  512 - 1,024 - 2,048 - 4,096 - 8,192 - 16,384 - 32,768 - 65,536 - 131,072 - 262,144 - 524,288 - 1,048,576 - 2,097,152 

6.  Ang iyong P1 sa una ay magiging ganito na (P1,048,576) sa patuloy na pagdoble ng pinupuhunan mo sa ika-21 pagkakataon. mangyayari lamang ito kung ang iyong puhunan ay hindi mo ginagastos, at ito ay iyo lamang ginagamit na pangpuhunan ng paulit-ulit ng padoble ng padoble.

7.  Kung ang pagdobleng ito ay magagawa mo sa loob ng 2 taon, anu pa kaya ang iyong makukuha sa pagdating ng ika-3 o ika-10 taon? 


8.  Kung kukuha ka ng negosyo, ang iyong pinaka patutunguhan ay ang negosyong pupuwede mong iwanan, o ung hindi kinakailangang ikaw ay nandun para kumita.  gagawin mong pag-aari ang negosyong ito, at hindi empleyado ng sarili mong negosyo.

9.  Kapag nagawa mong magpahinga o iwanan ang iyong negosyo at patuloy na kumikita ito; nagampanan mo na ang tinatawag na Financial Freedom.

10.  Upang mas magamit mo ng sobra-sobra ang law of compounding, muli kang magtayo ng panibagong negosyo, hanggang sa muli ito ay kaya mo nang iwanan at magpatuloy muling magtayo ng negosyo...

11.  Katulad din ito ng mga bilang na nakasulat sa itaas. sa ika-4 na pagkakataon ang negosyo mo ay maaring maging 8 na!

12.  Dahil sa nagampanan mo na maging isang tunay na mayaman, gawin mo ring maibalik ang iyong mga nakamit.


13.  Maaari mo itong maibalik sa sumusunod:
  (a) pagtatayo ng Foundation, na ang layunin ay tumulong sa nangangailan; ikaw na ang makapagsasabi kung ano ang klase ng mga nangangailangan.
     (b) kung ikaw ay may pinananalig sa Diyos, maari mo ring magbalik ng kayamanan ayon sa iyong nakikitang nararapat ibigay. sa bahaging ito ang aking mungkahi sana ay iyong simulan sa unang pagkakataon na ikaw ay kumikita na. kahit na maliit, ito ay magandang gawain. sa paniniwalang ang pinagmulan ng lahat ay sa Diyos,
  (c) Magtayo ka ng negosyo na naglalayong magturo sa mga katulad mo, na nagnanais ding makarating sa iyong kinalalagyan ngayon.
  (d) maging isang tagapagsalita sa mga grupo ng tao na nagnanais ding yumaman gaya mo.


Hindi ko sinasabing ito ay saktong saktong magandang gawin.   Dahil alam kong sa mga darating na pagkakataon, maaaring baguhin ko ito para sa mas makabubuting paraan.  Maari ding, hindi na kinkailangang daanan pa ang iba sa mga ito.


Ito ang aking pinaplano sa aking Journey para maging EntrePinoy.